Habang patuloy na ipinapatupad ang No Contact Apprehension Program (NCAP) sa ilang local government units (LGUs) sa Metro Manila, mahalagang alam ng mga motorista at ng publiko kung paano gumagana ang sistema—mula sa pagsusuri ng mga nakuhang insidente, proseso ng pagprotesta, mga paraan ng pagbabayad, hanggang sa mga maaaring mangyari kapag hindi naayos ang isang violation.
Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat malaman ng mga motorista tungkol sa NCAP:
1. Hindi automatic na violation ang bawat insidenteng nakuhanan ng camera.
Sa ilalim ng NCAP, ang isang traffic incident na nakuhanan ng enforcement camera ay dumadaan muna sa review at validation ng mga authorized LGU traffic management personnel.
Ang Notice of Violation (NOV) ay ipinapadala lamang matapos masuri at maaprubahan ang nakuhang insidente. Ipinapadala ito sa rehistradong may-ari ng sasakyan batay sa mga rekord ng Land Transportation Office (LTO).
Sa pamamagitan ng review process na ito, nasusuri nang maayos ang nakuhang insidente at isinasaalang-alang ang mga nakapaligid na kondisyon noong nangyari ito bago pormal na maabisuhan ang motorista.
2. May karapatan ang mga motorista na i-protesta ang isang violation.
Ang pagtanggap ng NOV ay hindi nangangahulugang wala nang magagawa ang motorista.
Kung naniniwala ang isang motorista na mali o hindi wasto ang ibinigay na violation, maaari siyang maghain ng formal protest sa pamamagitan ng online NCAP portal ng nagpapatupad na LGU:
City of Manila
https://www.gomanila.com/nocontact
Muntinlupa City
https://muntinlupacity.nocontact.ph
ParaƱaque City
https://paranaquecity.nocontact.ph/
Quezon City
https://nocontact.quezoncity.gov.ph
San Juan City
https://nocontact.sanjuancity.gov.ph
Ang protest ay kailangang maisumite sa loob ng 10 working days mula sa pagtanggap ng NOV. Kapag lumampas na sa itinakdang panahon, hindi na maaaring i-contest ang violation at maaari itong magresulta sa pagkakaroon ng LTO alarm sa sasakyan. Ang alarm ay aalisin lamang kapag nabayaran ang kaukulang multa.
3. Walang interest na nadadagdag sa NCAP penalties.
Ang mga NCAP penalty ay sumusunod sa mga naaangkop na probisyon ng Metro Manila Traffic Code of 2023, kabilang ang standardized fines para sa 20 karaniwang traffic violations na saklaw ng Code.
Hindi nadadagdagan ng interest ang penalty dahil lamang sa hindi ito agad nabayaran.
Gayunpaman, mahalaga pa ring maayos ang anumang outstanding penalty upang maiwasan ang pagkakaroon ng LTO alarm sa sasakyan.
Kapag may LTO alarm, maaaring hindi maisagawa ng registered vehicle owner ang ilang LTO transactions, kabilang ang pag-renew ng vehicle registration o paglilipat ng ownership, hanggang sa ma-settle ang outstanding obligation.
4. Pwedeng bayaran and NCAP fine online.
May mga payment channel ang mga LGU na nagpapatupad ng NCAP, kabilang ang online payment options, upang mas maging accessible at convenient ang pagbabayad ng mga penalty. Upang magbayad online, gamitin lamang ang QR code na makikita sa Notice of Violation (NOV) o kaya ay magtungo sa mga portal ng LGU NCAP.
Mayroon ding mga itinalagang payment centers para sa mga motorista na mas nais magbayad nang personal.
Para sa kaligtasan at seguridad, dapat gamitin lamang ng mga motorista ang opisyal na payment channels at instructions ng nagpapatupad na LGU.
5. Iwasan ang text scam. Ang Notice of Violation ay ipinapadala lamang sa pamamagitan ng koreo o courier.
Hindi nagpapadala ang mga LGU ng Notice of Violation (NOV) sa pamamagitan ng text/SMS, e-mail, o messaging apps. Ang NOV ay isang pisikal na dokumento na ipinapadala lamang sa pamamagitan ng mail o courier sa address ng rehistradong may-ari ng sasakyan na nakatala sa Land Transportation Office (LTO).
Gayundin, hindi ipinapadala sa text/SMS, e-mail, o messaging apps ang mga online payment link para sa NCAP. Para sa pagbabayad, gamitin lamang ang payment QR code na makikita sa inyong NOV o pumunta sa opisyal na NCAP portal ng inyong LGU.
Maging mapagmatyag laban sa mga scam. Huwag kailanman ibigay ang inyong bank details, password, o one-time PIN (OTP) sa kahit kanino.
Kung may natanggap na kahina-hinalang mensahe tungkol sa NCAP, huwag i-click ang anumang link at i-verify muna ito sa pamamagitan ng opisyal na channels ng inyong LGU.
Ang pag-unawa sa proseso ay bahagi ng pagiging responsableng road user.
Layunin ng NCAP na suportahan ang traffic enforcement at road safety sa pamamagitan ng pagtukoy at pagproseso ng mga traffic violation kahit walang traffic enforcer na pisikal na nakapuwesto sa lugar ng insidente.
Sa huli, ang road safety ay hindi lamang nakasalalay sa enforcement. Nakadepende rin ito sa araw-araw na desisyon at disiplina ng bawat driver at rider.
I-click ang link para sa karagdagang impormasyon tungkol sa NCAP: https://canva.link/guidetometromanilancap
Alamin ang batas. Sundin ang batas. Magmaneho nang responsable.


No comments:
Post a Comment